Sa tuwing nakakagawa ako ng mali, iniisip ko na ako dapat ang gumawa ng paraan para maayos ito. Kahit na naniniwala ako sa kagandahang-loob ng Dios, iniisip ko pa rin na tutulungan lamang Niya ako kung karapat-dapat akong tulungan.
Pero gayon pa man, kahit hindi tayo karapat-dapat, tutulungan pa rin tayo ng Dios. Pinatunayan Niya ito sa pamamagitan ng buhay ni Jacob. Pangalawang anak si Jacob sa kanilang magkapatid. Noong panahon nila, ang panganay na anak ang nakakatanggap ng pagpapala mula sa kanilang ama. Ang pagpapalang ito ay katiyakan ng masaganang pamumuhay.
Kaya naman, gumawa ng paraan si Jacob para makuha ang pagpapala ng kanyang ama. Nagtagumpay siya pero nandaya naman siya. Nakuha niya ang pagpapala na dapat sana ay para sa panganay niyang kapatid (GEN . 27:19-29).
Tumakas si Jacob dahil sa galit ng kanyang kapatid (T . 41-43). Maaaring naramdaman niya nang gabing iyon na hindi na siya pagpapalain kailanman (28:11) pero nakatagpo niya ang Dios. Ipinakita sa kanya ng Dios na hindi niya kailangang gumawa ng maling paraan para pagpalain siya. Noon pa ma’y pinagpala na siya ng Dios. May magandang plano ang Dios sa kanya na higit pa sa pagkakaroon ng masaganang buhay (T . 14). Hindi siya kailanman pababayaan ng Dios (T . 15).
Ito ang natutunan ni Jacob na maaari din nating matutunan. Alalahanin natin na lagi nating kasama ang Dios kahit na marami tayong maling desisyon o pakiramdam nati’y malayo Siya. Ginagabayan Niya tayo upang ayusin ang ating pagkakamali.