Hinuhusgahan ko agad ang sinumang nakikita kong tumatawid sa kalsada habang gumagamit ng kanilang cellphone. Hindi ba nila iniisip na maaari silang masagasaan ng mga sasakyan? Wala ba silang pakialam sa kanilang kaligtasan? Nang minsan namang tumatawid ako sa kalsada, hindi ko napansin ang paparating na sasakyan dahil abala ako sa pagbabasa ng mensahe sa aking cellphone. Mabuti na lang at napansin agad ako ng nagmamaneho ng sasakyan kaya mabilis itong huminto. Napahiya ako sa sarili ko dahil ang panghuhusga ko sa iba ay bumalik sa akin. Hinusgahan ko sila pero ganoon din naman pala ako.
Ang pag-uugali kong iyon ay tinalakay ni Jesus sa Sermon Niya sa Bundok: “Alisin mo muna ang trosong nasa iyong mata at sa gayon, makakakita kang mabuti at maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid” (MATEO 7:5 MBB). Hinahatulan ko ang iba sa kanilang mga pagkakamali pero hindi ko naisip na ako ay may mga pagkakamali rin.
Sinabi rin ni Jesus na, “Hahatulan kayo ng Dios ayon sa paghatol ninyo sa iba” (7:2 MBB). Nang maalala ko ang naiinis na tingin sa akin ng nagmamaneho ng sasakyan, naisip ko kung paano ko naman galit na tinitingnan ang iba na gumagamit ng kanilang cellphone habang naglalakad.
Nagkakamali tayong lahat, wala kasing perpekto. Pero minsan, nakakalimutan kong may mga pagkakamali rin ako dahil mabilis kong hinuhusgahan ang iba. Ang bawat isa sa atin ay nangangailangan ng kagandahang-loob ng Dios.