Matanda na si Ada at nakatira siya sa lugar kung saan inaalagaan ang mga matatanda. Sinabi niya sa akin na ang pinakamahirap sa pagiging matanda ay ang iwanan ka ng mga mahal mo sa buhay. Tinanong ko si Ada kung ano ang pinagkakaabalahan niya sa bawat araw. Ang isinulat ni Pablo sa mga taga-Filipos ang isinagot ni Ada, “Para sa akin, si Cristo ang aking buhay at kahit kamatayan ay pakinabang” (1:21 MBB). Para kay Ada, may magagawa pa siya habang siya’y nabubuhay. Sinabi niya na naikukuwen- to niya sa iba ang tungkol kay Jesus kapag mabuti ang pakiramdam niya at kung hindi naman, nagagawa pa rin niyang manalangin.
Nakakulong naman si Pablo nang sumulat siya sa mga taga-Filipos. Sinabi niya sa kanyang sulat ang isang katotohanan tungkol sa buhay ng mga nagtitiwala kay Jesus. Kahit na nakakaengganyo na makapiling agad ang Dios sa langit, mahalaga pa rin para sa Dios ang mga panahon na nandito pa tayo sa lupa.
Gaya ni Pablo, alam ni Ada na ang bawat sandali ay pagkakataon upang paglingkuran at luwalhatiin ang Dios. Kaya naman ginugugol niya ang bawat araw sa pagtulong sa ibang tao at sa pagpapakilala kay Jesus.
Kahit na sa mahihirap na sitwasyon ng ating buhay, maaari nating panghawakan ang pangako ng Dios na makakasama natin siya sa langit magpakailanman. Pero sa ngayon, habang nabubuhay tayo, maging masaya tayo dahil sa relasyon natin sa Kanya. Ang Dios ang nagbibigay kahulugan sa bawat sandali ng ating buhay.