May nabasa ako sa isang aklat tungkol sa kahalagahan ng oras. Naisip ko tuloy ang mga pagkakataon na ang sagot ko sa mga taong nakikiusap sa akin ay, “Wala akong oras para diyan.” Masyado akong nakatuon noon sa mga dapat kong tapusin sa takdang oras.
Sa Biblia, mababasa natin na nanalangin si Moises sa Dios, “Turuan Mo kami na bilangin ang aming mga araw, upang kami ay magkaroon ng pusong may karunungan” (AWIT 90:12 ABAB). Sinabi naman ni apostol Pablo, “Mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay… samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon... sapagkat punung-puno ng kasamaan ang daigdig ngayon” (EFESO 5:15-16 MBB).
Sinasabi sa atin ng mga isinulat nina Moises at Pablo ang tamang paggamit ng ating oras. Nasa atin ang pagpapasya kung paano natin ito gagamitin. Maaari tayong maging abala sa maraming bagay o maaari naman tayong maglaan ng panahon para sa mga taong nangangailangan sa atin.
Maiksi lamang ang ating panahon upang maipahayag sa iba ang tungkol kay Cristo. Kaya naman, kailangan nating samantalahin ang bawat pagkakataon. Gamitin natin ang ating oras upang maipadama ang pagmamahal ni Cristo sa kanila.