Tumalikod ako sa Dios at naging rebeldeng anak sa aking mga magulang noong 20 taong gulang ako. Gabing-gabi na ako kung umuwi sa aming bahay. Pero minsan, bigla kong naisip na dumalo sa simbahan kung saan pastor ang aking ama. Nagbihis ako at naghandang pumunta doon.
Hindi ko makakalimutan ang kasiyahan ng aking ama nang makita niya ako. Ipinakilala niya agad ako sa mga taong nandoon. Buong pagmamalaking sinabi niya na, “Siya ang aking anak.” Ang kasiyahan ng aking ama at ang pagtanggap niya sa akin ay nagpapaalala ng pagmamahal sa akin ng Dios sa kabila ng pagtalikod ko sa Kanya.
Mababasa natin sa Biblia ang katangian ng Dios bilang isang mapagmahal na Ama. Sa Isaias 44, nakasulat kung paano ipinahayag ni propeta Isaias ang pagmamahal ng Dios sa bansang Israel. Sinabi ng Dios, “Bayan kong minamahal, ibubuhos Ko sa iyong mga anak ang Aking Espiritu, at ang mga liping susunod sa iyo ay pagpapalain” (TAL . 2-3 MBB). Ganito naman ang magiging tugon ng mga tao ayon kay Isaias, “Bawat isa’y magsasabing, ‘Ako ay kay Yahweh’... Itatatak nila sa kanilang mga bisig ang pangalan ni Yahweh” (T . 5 MBB).
Kung paanong tinanggap ng Dios ang masuwaying bansang Israel, ganoon din naman ang pagtanggap sa akin ng aking tatay. Anuman ang gawin ko ay hindi mawawala ang pagmamahal sa akin ng tatay ko. Ipinakita niya sa akin kung paano tayo minahal ng ating Dios Ama.