May nabasa akong kuwento tungkol sa isang nanay na nagulat nang makita ang kanyang anak galing sa paaralan na punong puno ng putik ang katawan. Ipinaliwanag naman ng kanyang anak na naawa siya sa kaibigan nitong nadulas sa putikan. Mag-isa lang kasi ang kaibigan ng bata kaya sinamahan niya ito sa putikan hanggang dumating ang kanilang guro.
Mababasa naman natin sa Biblia kung paanong sinamahan at inaliw si Job ng kanyang tatlong kaibigan nang makaranas siya ng matinding pagsubok sa buhay. Namatay ang mga anak ni Job at nagkaroon ng mga sugat sa kanyang buong katawan. Kaya nang makita siya ng kanyang mga kaibigan, “umiyak at sinira ng bawat isa sa kanila ang kanya-kanyang balabal, at nagbuhos ng alabok sa kanilang mga ulo. Sila’y umupo sa ibabaw ng lupa na kasama niya na pitong araw at pitong gabi, at walang nagsalita sa kanya, sapagkat kanilang nakita na ang kanyang paghihirap ay napakalaki” (JOB 2:12-13 ABAB).
Naisip ng mga kaibigan ni Job na sa pagkakataong iyon ay kailangan lamang ni Job ng makakasama at mag-aaliw sa kanya. Dinamayan nila si Job pero mababasa rin naman natin na sa kalaunan, hindi mabuti ang ibinigay nilang payo sa kanya (16:1-4).
Minsan, ang pinakamagandang gawin upang aliwin ang isang kaibigang may pinagdaraanang matinding pagsubok ay ang samahan siya sa kanyang paghihirap.