May sakit na cerebral palsy ang batang si Jonathan. Hindi siya marunong magsalita o makipag-usap sa iba. Pero hindi nawalan ng pag-asa ang kanyang nanay na si Chantal Bryan. Nang sampung taon na si Jonathan, nakagawa ng paraan ang kanyang nanay kung paano makikipag-usap gamit ang kanyang mga mata at isang pisara. Pakiramdam ni Chantal, nakalaya na ang kanyang anak dahil nakakausap na niya ito. Nakakabasa at nakakasulat na rin ang anak niya. Naging masaya si Jonathan dahil nasasabi na niya sa kanyang pamilya at mga kaibigan na mahal na mahal niya sila.
Pinapaalala sa akin ng kuwento ni Jonathan kung paano tayo pinalaya ng Dios sa gapos ng kasalanan. Sinulat ni apostol Pablo sa mga taga-Colosas na dati tayong “mga kaaway ng Dios” (COLOSAS 1:21) dahil sa ating mga kasalanan. Pero dahil sa kamatayan ni Cristo sa krus, tayo ngayon ay “banal sa Kanyang paningin” (TAL . 22). Maaari na tayong “mamuhay [na] karapat-dapat sa Panginoon”, namumunga sa bawat gawang mabuti, lumalago sa kaalaman ng Dios at lumalakas sa Kanyang kapangyarihan (TAL .10-11).
Puwede nating gamitin ang ating kalayaan upang purihin ang Dios at ibahagi sa iba ang mabuting balita na hindi na tayo nakagapos sa ating mga kasalanan. Sa patuloy nating pagtitiwala sa Dios, maaari nating panghawakan ang pag-asa natin na nakay Cristo.