Nagising ako isang umaga at nakita ko na natataranta ang kasama ko sa kuwarto na si Carol. Nawawala kasi ang mamahalin niyang singsing. Tinulungan ko siyang hanapin ito sa iba’t ibang lugar pati na rin sa isang basurahan. Desidido talaga siyang mahanap ang singsing at hinding-hindi niya raw hahayaang mawala ang isang mamahaling bagay.
May naalala akong kuwento sa Biblia na katulad sa nakita kong determinasyon ni Carol sa paghahanap niya ng singsing. Sinabi ni Jesus na ang kaharian ng langit ay “katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao ngunit agad itong tinabunan. Tuwang-tuwa siyang umalis at ibinenta ang lahat ng kanyang ari-arian upang bilhin ang bukid na iyon” (MATEO 13:44 MBB). Gagawin talaga ng isang tao ang lahat mahanap lamang ang isang mahalagang bagay.
Mababasa natin sa Biblia na ipinangako ng Dios na Siya’y matatagpuan kung hahanapin Siya. Sinabi Niya sa mga Israelita na matatagpuan nila Siya kung tatalikuran nila ang kanilang mga kasalanan at kung buong puso nilang hahanapin ang Dios (DEUTERONOMIO 4:28-29). Ganito rin ang pangakong sinabi ng Dios kay Haring Asa (2 CRONICA 15:2). Parehas din ang pangako ng Dios nang mabihag ang mga Israelita ng Babilonia. Sinabi Niya na palalayain sila mula sa pagkakabihag (JEREMIAS 29:13-14).
Matatagpuan natin ang Dios kung hahanapin natin Siya sa pamamagitan ng pagbabasa ng Biblia, pagsamba sa Kanya at pagsasabuhay ng Kanyang mga Salita. Mas makikilala natin Siya kung gagawin natin ang mga ito.