Bago kami matulog sa gabi ng aking mga anak, kumukuha kami ng mga krayola at saka nagsisindi ng kandila. Humihingi kami ng gabay sa Dios at isinusulat o iginuguhit namin sa aming talaarawan ang mga sagot namin sa mga tanong na ito: Paano ko naipakita ang aking pag-ibig ngayong araw? At paano ko naman ito hindi naipakita?
Ang pagmamahal sa kapwa ay mahalagang parte sa buhay ng isang nagtitiwala kay Cristo “buhat pa sa pasimula” (2 JUAN 1:5). Ganito ang sinabi ni apostol Juan sa kanyang ikalawang sulat. Nakiusap siya na mag-ibigan ang isa’t isa bilang pagsunod sa Dios (2 JUAN 1:5-6). Ang pag-ibig ang isa sa paboritong paksa ni Juan sa kanyang mga sulat. Ayon sa kanya, isang paraan upang malaman natin na “mula tayo sa katotohanan” at may kapanatagan sa harapan ng Dios (1 JUAN 3:18-19) kapag nagpapakita tayo ng tunay na pag-ibig sa ating kapwa.
Nalaman ko at ng aking mga anak na naipapakita namin ang pag-ibig sa simpleng mga bagay tulad ng pagpapahiram ng payong, pagpapasaya sa iba o pagluluto ng paborito nilang pagkain. Pero hindi naman namin maipapakita ang pag-ibig kung sisiraan namin ang iba, magiging madamot kami o kapag uunahin namin ang aming sarili kaysa sa pangangailangan ng iba.
Sa pamamagitan ng pagbubulay namin tuwing gabi, mas nalalaman namin kung ano ang nais ng Banal na Espiritu na dapat gawin sa bawat araw. Sa tulong Niya, natututo kaming mamuhay nang may pagmamahal (2 JUAN 1:6).