Matatagpuan sa kapilya sa Inglatera ang isa sa paborito kong larawan. Iginuhit ito ng pintor na si William Holman Hunt at may pamagat na, The Light of the World. Makikita sa larawan si Jesus na may lamparang hawak at kumakatok sa pinto ng isang bahay.
Nakakatawag pansin na ang pinto sa larawang iyon ay walang hawakan. Tinanong ang pintor na si Hunt kung bakit wala itong hawakan. Sinabi niya na nais niyang ipakita ang inilalarawan sa talata sa Biblia na matatagpuan sa Pahayag 3:20, “Narito, Ako ay nakatayo sa pintuan at patuloy na kumakatok. Kapag marinig ng sinuman ang aking tinig at magbukas ng pinto, Ako ay papasok sa kanya.”
Parehas na ipinapakita ang kagandahang-loob ni Jesus sa sinabi ni apostol Juan at ng larawan. Kumakatok Siya sa pintuan ng ating mga puso upang magbigay ng kapayapaan. Hinihintay tayo ni Jesus na tumugon sa Kanyang pagtawag. Hindi Siya ang nagbubukas ng pinto at hindi Niya ipinipilit ang sarili Niya sa ating mga buhay. Hindi Niya tayo pinipilit na gawin ang nais Niya. Sa halip, iniaalok Niya sa lahat ng tao ang regalo ng kaligtasan at ang liwanag na gagabay sa atin.
Kung sinuman ang magbubukas ng pinto, nangako si Jesus na papasok Siya. Ito lamang ang tanging hinihiling Niya sa atin at wala nang iba pa. Kaya kapag narinig mo ang tinig ni Jesus at ang pagkatok Niya sa pintuan ng iyong puso, tumugon ka sa Kanya dahil hinihintay ka Niya. Papasok Siya sa iyong buhay kung papayag ka lamang.