Dinala ako ng asawa ko sa isang art gallery para ipagdiwang ang isang mahalagang okasyon. Sinabi niya na maaari akong pumili ng kahit anong nais ko bilang regalo niya. Pinili ko ang larawan ng isang sapa sa gitna ng kagubatan. Sakop ng sapa ang buong larawan at hindi nakikita ang langit dito. Pero naaaninag mula sa sapa ang araw, mga puno, at langit. Ang tanging paraan upang makita ang kalangitan sa larawan ay ang pagtingin sa sapa.
Maihahalintulad si Jesus sa sapa na nasa larawan. Kung nais nating malaman ang katangian ng Dios ay dapat tayong tumigin kay Jesus. Sinabi sa Biblia na si Jesus ay “ang maningning na sinag ng Dios” (1:3). Marami tayong maaaring malaman sa Biblia tungkol sa Dios tulad ng “Ang Dios ay Pag-Ibig.” Pero, mas makikilala at malalaman natin ang mga maaring gawin ng Dios dito sa lupa sa pamamagitan ni Jesus. Si Jesus ay Dios na nagkatawang-tao upang maranasang mamuhay sa mundo tulad natin.
Dumanas man ng tukso si Jesus ay naipakita Niya ang kabanalan ng Dios. Napagtagumpayan Niya ang kasalanan at naipamalas Niya ang kapangyarihan ng Dios. Naranasan ni Jesus ang magkaroon ng problema nang Siya ay nandito sa mundo pero ipinakita Niya ang karunungan ng Dios. Sa pamamagitan ng sakripisyo ni Jesus sa krus ay naipakita Niya ang pag-ibig ng Dios sa atin.
Hindi man natin mauunawaan ang lahat ng tungkol sa Dios, pero nakatitiyak tayo sa Kanyang mga katangian dahil kay Jesu-Cristo.