Binigyan si Katie ng gawaing-bahay ng kanyang guro. Inatasan siyang magsulat ng isang talatang pinamagatang “Ang Aking Perpektong Mundo.” Sinulat ni Katie, “Sa perpekto kong mundo…Ay libre ang sorbetes at maraming kendi sa paligid, bughaw palagi ang kulay ng langit, at may iba’t ibang hugis ang mga ulap.” Biglang naging seryoso ang tono ng kanyang sulatin. “Sa perpekto kong mundo ay walang magbibigay at tatanggap ng mga malulungkot na balita.”
Hindi ba’t maganda na hindi tayo makatatanggap ng malulungkot na mga balita? Ang katagang iyon ay isang katotohanan tungkol sa ating pag-asa na mula kay Jesus. Gagawin Niyang bago ang lahat ng bagay sa mundo (PAHAYAG 21:1-5).
Ang paraiso ay isang lugar kung saan “wala nang” kasamaan, kamatayan, pighati, dalamhati, pagtangis, at paghihirap (TAL . 4). Ito ay isang lugar kung saan tayo ay makakalapit sa Dios dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin (TAL . 3). Isang masayang kalagayan ang naghihintay sa atin!
Maaari nating maranasan ng pahapyaw sa ngayon ang perpektong mundong iyon. Sa bawat pagkakataon na tayo ay lumalapit sa Dios ay nadarama natin ang Kanyang presensya (COLOSAS 1:12-13). Bagama’t nakakagawa pa rin tayo ng mga kasalanan ay nakakadama tayo ng tagumpay dahil nasa atin si Cristo (COLOSAS 2:13-15), ang siyang nakagapi sa kasalanan at kamatayan.