Nang minsang magbakasyon kami ng mga apo ko ay naaliw kaming panoorin ang isang pamilya ng mga agila mula sa isang web cam. Araw-araw ay sinusubaybayan namin ang mga gawain ng bawat miyembro ng kanilang pamilya. Sinisigurado ng mag-asawang agila na maaalagaan at mababantayan nilang mabuti ang kanilang maliit na anak.
Ang pamilyang agilang ito ay sumasalamin sa napakaganda at napakadakilang likha ng Dios na matatagpuan sa Awit 104 - na nagtatala ng mga likha ng kamay ng Dios.
Nakikita natin ang kaluwalhatian ng likha ng Dios na makikita sa kalawakan (TAL . 2-4).
Nararanasan natin ang mundong likha ng Dios ang mga tubig, bundok, at lambak (TAL . 5-9). Natitikman natin ang biyaya ng likha ng Dios dahil sa mga hayop, ibon, at halaman (TAL . 10-18).
Namamangha tayo sa mga panahon na Kanyang nilikha para sa mundo-umaga/gabi, dilim/liwanag, trabaho/pahinga (TAL . 19-23).
Anong dakila ng mundong nilikha ng Dios para sa atin at para maipamalas ang Kanyang kaluwalhatian! “Papurihan mo si Yahweh, O aking kaluluwa!” (TAL . 1). Ang bawat isa sa atin ay nararapat na magpuri at magpasalamat dahil sa Kanyang mga nilikha na ating natatamasa.