Isipin natin ang larawan ng isang magulang habang pinatatahimik niya ang kanyang sanggol. Marahan niyang nilagay ang kanyang mga daliri sa tapat ng kanyang labi at ilong at sinasabi ang “tahan na.” Ang simpleng gawain na iyon ng isang magulang ay nagpapatahimik at nagtatanggal ng alinlangan sa isang sanggol.
Ang gawain na iyon na nagpapadama ng pagmamahal ay maaaring nagawa na natin o ginawa na para sa atin. Naalala ko ang talata sa Salmo 131:2 sa tuwing pumapasok sa isip ko ang larawan na iyon ng isang magulang at kanyang sanggol.
Si David na manunulat ng awit na iyon ay maaaring nakaranas ng matinding suliranin para malikha ang mga talatang iyon. Nakaranas ka na ba ng pagkabigo, pagkatalo, at pagkabagsak para makapag-sambit ng isang napakagandang panalangin sa Dios? Ano ang iyong ginagawa sa tuwing may mga pagsubok sa iyong buhay? Pagbagsak sa pagsusulit, pagkawala ng trabaho, o pagkasira ng isang relasyon? Inilabas ni David ang lahat ng kanyang nadaramang kalungkutan sa Panginoon sa isang matapat na panalangin (SALMO 131:1). Nang makatanggap si David ng kapayapaan matapos ang kanyang suliranin ay katulad niya ang isang sanggol na nasa bisig ng kanyang ina (TAL . 2).
Ang iba’t ibang pangyayari sa ating buhay ay nagpapalapit sa atin sa Dios. Makakaasa tayo at makakadama ng kapanatagan dahil palaging nariyan ang Dios. Siya ay nangako na hindi Niya tayo iiwan at papabayaan. Mapagkakatiwalaan natin ang Dios.