“Kapag sumisid ka sa ilalim ng dagat at kumuha ka ng lamang dagat, makakakita ka ng mga bagong lahi ng isda.” Iyan ang sinabi ng marine biologist na si Ward Appeltans. Sa loob ng isang taon ay nakapagtala siya ng 1,451 na mga bagong lahi ng isda.
Sa Job 38-40 ay ipinaalala ng Dios kay Job ang mga mabubuting dulot ng Kanyang likha. Nakapaloob sa tatlong kabanata ang nakamamanghang pagbabago ng panahon, ang malaking kalawakan, at iba’t ibang uri ng nilalang sa mundo. Ang lahat ng ito ay nakita na natin. Pero binanggit ng Dios ang tungkol sa misteryosong Leviatan. Ang Leviatan ay isang nilalang na may makakapal na balat na hindi tinatablan ng bakal (JOB 41:7, 13), dakilang kapangyarihan (TAL . 12), at may nakakatakot na mga ngipin (TAL . 14). “May apoy na lumalabas sa kanyang bibig…may makapal na usok mula sa butas ng kanyang ilong” (TAL . 19-20). “Dito sa daigdig ay wala siyang katulad” (TAL . 33).
Ang Panginoon ay bumabanggit ng isang nilalang na hindi pa natin nakikita. Pero iyon ba ang nais iparating ng Job 41?
Hindi iyon ang nais bigyang diin sa Job 41. Sa halip, ipinakikita rito ang kakaibang katangian ng Dios. Ipinaliwanag pa ito nang mabuti ng sumulat ng Awit. “Nariyan ang mga lawa’t malawak na karagatan…ang Leviatang nilikha Mo’y kaagapay (AWIT 104:25-26). Matapos ang nakakatakot na paglalarawan sa aklat ng Job ay nalaman natin na lumikha ang Dios ng lugar para sa pinakanakakatakot na nilalang. Isang lugar kung saan ang Leviatan ay masayang naglalaro.
Mayroon tayong pribilehiyo para tuklasin ang karagatan. Mayroon tayong walang hanggan para mas makilala ang kahanga-hanga, misteryoso, at natatanging katangian ng ating Dios.