Hindi namin alam ng asawa ko kung saan kami titira at magtatrabaho nang lumipat kami ng bagong tirahan. Isang simbahan ang tumulong sa amin para makahanap ng lugar. Isang paupahang bahay na may maraming kwarto ang aming nalipatan. Maari kaming tumira sa isang kwarto at maari naming ipagamit ang ibang mga silid sa mga mag-aaral mula sa ibang bansa.

Sa loob ng tatlong taon ay nagsilbi kaming tagatanggap at tagapagpatuloy ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa at hindi namin sila kakilala. Sila ay pinatutuloy namin at binibigyan ng makakain. Nagdadaos din kami ng pag-aaral ng Biblia tuwing Biyernes para maturuan sila.

Alam ng mga Israelita ang pakiramdam ng maging malayo sa kanilang tahanan. Sa loob ng mahabang panahon ay naging dayuhan at alipin sila sa Ehipto. Sa Levitico 19 ay nakatala ang ilang utos ng Dios (TAL . 3, 11). Kasama rito ang pagpapaalala sa mga Isarelita tungkol sa tamang pagtanggap sa mga dayuhan dahil nalalaman nila ang pakiramdam na maging isang dayuhan (TAL . 33-34).

Hindi man tayo lahat nakaranas na mahiwalay sa ating tinitirahan ay naranasan nating maging “dayuhan” sa mundong ito (1 PEDRO 2:11). Tayo ay tinawag ng Dios upang masayang tanggapin ang bawat isa para mapabilang sa Kanyang pamilya. Ang karanasan naming iyon ng asawa ko ay nagturo sa amin para masayang tanggapin ang iba. Ito ang nais ng Dios na gawin ng Kanyang mga anak (ROMA 12:13).