Nang naghahanda na ako pauwi ay nilapitan ako ng nanay ko. Binigyan niya ako ng regalo, isa sa kanyang mga singsing na matagal ko nang inaasam. Nagulat ako sa regalo niya kaya tinanong ko siya, “Para saan ito?” Sumagot siya, “Sa tingin ko ay panahon na para ibigay ko sa iyo ito. Bakit hihintayin ko pa na mamatay ako bago ko ipamana sa iyo ang singsing na ito? Hindi na rin naman ito kasya sa akin.” Tinanggap ko ang regalong iyon na may tuwa sa aking puso. Nakatanggap ako ng maagang pamana mula sa aking ina na nagbigay sa akin ng saya.

Ang ibinigay ng nanay ko ay isang materyal na bagay lamang. Pero ang pangako ng Dios ay ipagkakaloob Niya ang Espiritu Santo sa mga taong humihingi nito (LUCAS 11:13). Kung ang isang magulang ay kayang magkaloob ng mga pagkain sa kanilang mga anak ay ano pa ang hindi kayang ipagkaloob ng Dios para sa Kanyang mga anak. Dahil sa biyaya na Espiritu Santo ng Dios (JUAN 16:13) ay nakararananas tayo ng pag-asa, pag-ibig, kaligayahan, at kapayapaan sa kabila ng mga pagsubok sa ating buhay-at maari rin nating maibahagi ito sa iba.

Ang iba sa atin ay maaring lumalaki na may mga magulang na hindi nakapaglaan ng pagmamahal sa kanila. Maaring ang iba naman ay nakatanggap ng mainit na pagmamahal mula sa kanilang mga magulang. Iba-iba man ang ating karanasan sa ating mga magulang ay makakaasa tayo sa pangako ng Dios na mamahalin Niya tayo ng walang hanggan. Ibinigay Niya ang Espiritu Santo bilang pinakamagandang kaloob sa ating mga anak Niya.