“Hindi ko kaya!” Ito ang nasabi ng isang mag-aaral na nahihirapan sa paggawa ng kanyang proyekto. Kailangan niya ang tulong ng kanyang guro. Maaaring makaranas din tayo ng ganoong kalungkutan kung mababasa natin sa Biblia ang Sermon sa Bundok na itinuro ni Jesus. “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway” (MATEO 5:44). Ang pagkapoot sa iba ay tulad din ng pagpatay (T . 22) at ang pagnanasa sa iba ay gaya rin ng pangangalunya (T . 28). Kung akala natin ay magagawa natin ang mga ito, mababasa naman natin sa talatang 48 ang ganito: “Kaya’t kayo nga’y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal.”
Sinabi ng sikat na tagapagturo ng Biblia na si Oswald Chambers na nagdudulot ng kalungkutan ang Sermon ni Jesus sa Bundok kapag binasa ito. Pero para sa kanya, tama lang na malungkot tayo kapag hindi tayo nakakasunod sa Dios dahil nagiging daan ito upang lumapit at humingi tayo ng tulong kay Jesus.
Ang madalas na paraan ng Dios ay tinutulungan Niya ang mga taong nalalaman na hindi nila kayang gawin ang isang bagay sa sarili nilang kalakasan. Kung magtitiwala tayo kay Jesus, tatamasahin natin sa pamamagitan ng Espiritu ang Kanyang “katuwiran, kabanalan, at katubusan” (T . 30). Bibigyan Niya rin tayo ng biyaya at kapangyarihan upang mabuhay para sa Kanya. Gaya nga ng sinabi ni Jesus, “Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, sapagkat kanila ang kaharian ng langit” (MATEO 5:3).