Habang may transaksyon ako sa isang bangko, napansin kong nakasabit malapit sa bintana ang larawan ng magandang uri ng sasakyan na tinatawag na Shelby Cobra. Tinanong ko ang empleyado ng bangko kung sasakyan ba niya iyon. Sabi niya, “Hindi akin ang sasakyang iyon, pero iyon ang dahilan kung bakit ako nagtatrabahong mabuti. Darating ang araw at magkakaroon ako ng ganoong sasakyan.”
Nauunawaan ko ang ninanais ng taong kausap ko. May kaibigan akong nagmamay-ari ng ganoong uri ng sasakyan. Nasubukan ko na ring imaneho iyon at totoong napakaganda nito. Pero ang anumang bagay sa mundong ito ay walang halaga. Ayon sa sumulat ng Awit 20:8, ang mga taong hindi nagtitiwala sa Dios kundi sa mga bagay ng mundong ito ay “manghihina at tuluyang babagsak” (MBB).
Bumibili tayo ng mga bagay na makakapagpasaya sa atin pero hindi mapupunan ng mga ito ang tunay na inaasam natin sa buhay. Tanging ang Dios lamang ang makakapagbigay sa atin ng tunay na kaligayahan sapagkat nilikha tayo para sa Kanya.
Walang anumang bagay sa mundong ito ang tunay na makakapagpasaya sa atin. Maaaring mapasaya tayo ng mga bagay na mayroon tayo pero lilipas din ang kasiyahang ito (1 JUAN 2:17). Sabi nga ng sikat na manunulat na si C.S. Lewis, “Tanging ang Dios lamang ang makakapagbigay sa atin ng kasiyahan at kapayapaan.”