Ang kasama ko sa trabaho na si Tom ay may krus na nakalagay sa kanyang mesa. Gawa ito sa salamin at ibinigay sa kanya ng isang kaibigan na gumaling din sa sakit na kanser kagaya ni Tom. Sinabi ng kaibigan niya na sa pamamagitan ng krus na iyon ay maaalala ni Tom ang pag-ibig at layunin ng Dios sa kanyang buhay.
Mahirap para sa mga nagtitiwala kay Jesus na alalahanin ang pag-ibig ng Dios lalo na sa mga panahon ng mabibigat na pagsubok sa buhay.
Sa Biblia, mababasa natin ang buhay ni Apostol Pablo na isang magan-dang halimbawa ng pagtitiwala sa pag-ibig ng Dios. Inilarawan ni Pablo ang kanyang sarili sa panahon ng pagsubok na siya ay “pinag-uusig, suba- lit hindi pinababayaan; inilulugmok, subalit hindi napupuksa” (2 CORINTO 4:9). Naniwala siya na kumikilos ang Dios sa mabibigat na problema at ang mga ito ay “magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. Kaya’t ang [kanyang] paningin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita” (MBB).
Sinabi naman ng tagapagturo ng Biblia na si Paul Barnett na dapat daw ay nagtitiwala tayo sa layunin ng Dios sa ating buhay kahit na nakakaramdam tayo ng kalungkutan habang patuloy tayong umaasa.
Ibinigay ni Jesus sa atin ang Kanyang buhay at mahal na mahal Niya tayo. Kung nalalaman natin na may layunin ang Dios sa mga pagsubok sa ating buhay, makikita natin ang Kanyang pag-ibig at katapatan. Ito ang magiging sanhi upang lalo tayong matutong magtiwala sa Kanya.