Tinanong ako ng aking limang taong gulang na anak kung bakit kami aalis at lilipat ng bahay. Mahirap ipaliwanag sa kanya na kahit na lilipat kami ng bahay na titirhan ay mananatili pa rin naman ang aming tahanan. Maituturing kasi nating tahanan ang ating mga mahal sa buhay. Sila ang ating palaging kasama matapos ang ginagawa natin sa maghapon.
Sa Bagong Tipan ng Biblia ay mababasa natin na sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad ilang oras bago siya mamatay na, “Huwag mabalisa ang inyong mga puso” (JUAN 14:1 MBB). Natatakot ang mga alagad sa mga mangyayari sa kanila dahil sinabi ni Jesus na mamamatay Siya. Pero tiniyak ni Jesus na palagi Niya silang kasama at pinaalalahanan sila na muli nila Siyang makikita. Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad, “Sa bahay ng Aking Ama ay maraming silid…pupunta Ako roon upang ipaghanda Ko kayo ng inyong matitirhan” (T . 2 MBB).
Puwedeng gumamit si Jesus ng ibang salita para ilarawan ang langit. Pero pinili Niyang ilarawan ang isang pamilyar na lugar kung saan Siya naninirahan.
Sinabi ng manunulat na si C.S. Lewis na binibigyan tayo ng ating Dios Ama ng mga masasayang sandali dito sa ating buhay sa lupa. Pero hindi ipinapahintulot ng Dios na mawili tayo at manatili sa mga ito. Pasalamatan natin ang Dios sa masasayang sandali sa ating buhay pero alalahanin natin na ang tunay nating tahanan ay sa langit kung saan “makakapiling natin ang Panginoon magpakilanman” (1TESALONICA 4:17).