Mayroon akong kaibigan dati na si Juan na mahilig obserbahan ang mga bagyong dumarating sa aming lugar. Sinusundan niya ang direksyong tinatahak ng mga bagyo gamit ang aparato para dito at sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa ibang taong sumusubaybay din sa pagkilos ng bagyo. Ginagawa niya ito para masabihan agad ang mga taong maaapektuhan ng bagyo.
May isang pagkakataon na mabilis na nagbago ang direksyon ng bagyong sinusubaybayan ni Juan at nalagay siya sa panganib. Mabuti na lamang at nakahanap siya ng ligtas na lugar upang doon muna manatili.
Maihahalintulad ko ang karanasang iyon ni Juan sa isa pang mapanganib na bagay: ang kasalanan sa ating mga buhay. Sinabi sa atin sa Biblia na, “Natutukso ang tao kapag siya’y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling nasa. Kapag ang nasa ay tumubo at nag-ugat sa kanyang puso, magbubunga ito ng pagkakasala. Kapag ang kasalanan ay lumala, ito’y hahantong sa kamatayan” (SANTIAGO 1:14-15 MBB).
Kapag natutukso tayo, akala natin sa simula ay malalabanan natin ito hanggang sa bumigay tayo sa tukso at hindi na natin makontrol ang ating sarili. Pero tuwing natutukso tayo, maaari nating maging kanlungan ang Dios upang mapagtagumpayan ito.
Sinabi sa Biblia na hindi tayo tinutukso ng Dios. Sarili lamang natin ang puwede nating sisihin sa maling mga desisyong nagagawa natin. Pero “kalakip din ng tukso ay naglalaan [ang Dios] ng pag-iwas upang ito’y [ating] makayang tiisin” (1 COR . 10:13). Bibigyan tayo ng kalakasan ni Jesus upang mapagtagumpayan ang tukso.