Bago pumasok ang aking anak sa paaralan, tinanong ko muna siya kung nagsepilyo na siya ng ngipin. Sinabi ko sa kanya na dapat siyang magsabi ng totoo. Nagbiro tuloy ang aking anak na kailangan ko ng cctv camera sa aming banyo para makita ko kung nagsepilyo ba talaga siya at para na rin hindi na siya magsisinungaling pa.
Sa tulong ng cctv camera ay matututo tayong sumunod sa mga tuntunin sa ating paligid. Pero mayroon pa ring mga lugar na hindi makikita ang ating mga ginagawa. Puwede nating dayain ang cctv camera, pero hindi natin madadaya ang ating mga sarili sa katotohanang nakikita ng Dios ang ating mga ginagawa.
Mababasa natin sa Jeremias 23:24 ng Biblia ang tanong ng Dios na, “Makakatagpo ba ang isang tao sa mga lihim na dako upang hindi Ko siya makita?” Ang tanong na ito ng Dios ay maaaring makapagpalakas ng ating loob at puwede rin namang maging babala para sa atin.
Ang babala ay hindi tayo puwedeng magtago sa Dios. Hindi natin Siya maaaring dayain. Nakikita Niya ang lahat ng ating ginagawa.
Makakapagpalakas naman ng ating loob na walang lugar sa mundong ito na hindi tayo sinasamahan ng ating Ama sa langit. Kahit na pakiramdam natin ay mag-isa tayo, kasama pa rin natin ang Dios. Ang katotohanang ito sana ang magdulot sa atin upang sumunod sa Kanyang Salita at magpaalala sa atin na palagi Niya tayong iniingatan.