May mga kaibigan akong gumaling na sa kanilang karamdaman pero nahihirapan pa rin sa naging epekto ng kanilang sakit. Ang iba ko namang kaibigan ay napagaling na sa isang adiksyon pero nakakaramdam pa rin ng panghihina at galit sa kanilang sarili. Naisip ko tuloy, Bakit kaya hindi sila lubusang pinapagaling ng Dios?
Mababasa natin sa Marcos 8:22-26 ng Biblia ang kuwento ng pagpapagaling ni Jesus sa isang lalaking ipinanganak na bulag. Dinala muna ni Jesus ang lalaki sa labas ng bayan. Dinuraan at “tinakpan ni Jesus ng Kanyang kamay” ang mga mata ng nito. Sinabi ng lalaki na nakakita siya ng mga taong parang “punongkahoy na naglalakad.” Muling inilagay ni Jesus ang Kanyang mga kamay sa mga mata ng bulag at sa pagkakataong ito ay “nakakita na siya nang malinaw” (MBB).
Malimit na namamangha at nalilito ang mga tao sa sinasabi at ginagawa ni Jesus (MATEO 7:28; LUCAS 8:10; 11:14). Ang ibang tao nga ay tumalikod na sa Kanya (JUAN 6:60-66). Walang dudang nagdulot din ng pagkalito ang himalang ito. Bakit kaya hindi agad pinagaling ni Jesus ang lalaking ito?
Hindi natin alam kung bakit. Pero alam ni Jesus kung ano ang kailangan ng lalaking iyon. Alam din Niya kung ano ang kailangan natin upang mas mapalapit tayo sa Kanya. Kahit na hindi natin palaging nauunawaan ang mga nangyayari, magtiwala tayo na kumikilos ang Dios sa ating mga buhay. Pagkakalooban Niya tayo ng kalakasang kailangan natin sa pagsunod sa Kanya.