Noong nasa kolehiyo pa ako, napansin ng aking guro na gusto kong perpekto palagi ang aking mga ginagawa. Pinayuhan niya ako na kapag nagsusumikap ako na palaging perpekto ang aking mga ginagawa, mahahadlangan nito ang aking pagkatuto. Kung tatanggapin ko raw na hindi perpekto ang aking ginagawa ay mas matututo ako.
Ipinaliwanag din ni Apostol Pablo sa Biblia ang mas malalim pa na dahilan kung bakit natin dapat tanggapin na hindi tayo perpekto. Ito ay upang malaman natin na kailangan natin si Cristo.
Natutunan ito ni Pablo sa mahirap na paraan. Nagsumikap siyang sundin ang lahat ng utos ng Dios pero nagbago ang lahat nang makilala niya si Jesus (GAL . 1:11-16). Nalaman niya na kung sapat ang lahat ng ginagawa niya upang maging karapat-dapat sa harap ng Dios, “walang kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo” (2:21 MBB). Kung tatanggapin niya na hindi niya kayang iligtas ang kanyang sarili, mararanasan niya na si Cristo na ang nabubuhay sa kanya (T . 20). Mararanasan niya lamang ang kapangyarihan ng Dios sa kanyang buhay kung tatanggapin niya na hindi siya perpekto.
Pero hindi nito ibig sabihin na dapat tayong magpatuloy sa pagkakasala (T . 17). Sinasabi dito na hindi na tayo dapat umasa sa sarili nating kalakasan upang lumago ang ating espirituwal na buhay (T . 20).
Patuloy tayong binabago ng Dios. Kung tatanggapin natin si Jesus sa ating buhay ay mananahan Siya sa ating puso (EFESO 3:17). Mararanasan natin kay Jesus ang pag-ibig ng Dios na hindi “lubusang mauunawaan” (T . 19).