Palagi akong binibigyan ng aking asawa ng magaganda at mamahaling bulaklak tuwing anibersaryo ng aming kasal. Hindi ko inaasahan na kahit nawalan siya ng trabaho ay bibigyan niya pa rin ako ng mga bulaklak sa ikalabinsiyam na anibersaryo ng aming kasal. Nag-iipon siya ng pera upang maipagpatuloy niya ang nakasanayan niyang gawaing ito. Ipinapadama niya sa akin na mahal na mahal niya talaga ako.

Ang pagbibigay na ginagawa ng aking asawa ay katulad din ng sinabi ni Apostol Pablo sa mga nagtitiwala kay Jesus sa Corinto. Pinuri ni Pablo ang mga taga Corinto sa pagiging handa nilang magbigay ng tulong at kusangloob na pagbibigay (2 COR . 9:2, 5). Ipinaalala rin niya sa kanila na minamahal ng Dios ang nagbibigay nang may kagalakan (T . 6-7). Ang Dios ang nagbibigay ng ating mga pangangailangan para lalo pa tayong makatulong sa iba (T . 8-10).

Makakapagbigay tayo sa iba dahil ipinagkakaloob ng Panginoon ang lahat ng ating pangangailangan (T .11). Pasalamatan natin ang Panginoon sa lahat ng natatanggap natin mula sa kanya. Maaari din nating mahikayat ang iba na purihin ang Dios at magbigay din mula sa natatanggap nila sa Dios. Ang bukas-palad na pagbibigay ay nagpapakita ng ating pagmamahal at pasasalamat sa ating Dios. Ipinapakita rin nito ang ating pagtitiwala sa Dios na ipagkakaloob Niya ang lahat ng ating pangangailangan.