Ikinuwento sa akin ng kaibigan kong si Edith ang araw na nagdesisyon siyang magtiwala kay Jesus. Minsan, pumasok siya sa isang simbahan na malapit sa kanyang tinitirhan. Tila may kulang kasi sa kanyang buhay. Ang itinuturo ng pastor ay ang mababasa sa Lucas 15:1-2: “Maraming maniningil ng buwis at iba pang itinuturing na makasalanan ang pumunta kay Jesus upang makinig sa Kanya. Kaya nagreklamo ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila, ‘Ang taong ito’y tumatanggap ng mga makasalanan at kumakaing kasama nila’.”
Iyon ang nakalagay sa tekstong binasa ng pastor. Pero tila narinig ni Edith ang pangalan niya sa huling bahagi ng talata. Katunog kasi ng pangalan niya ang salitang Eat na Ingles ng kumakain. Bigla tuloy napadiresto ang pagkakaupo niya. Nalaman niya na mali pala ang pagkakarinig niya, pero ang katotohanang tinatanggap ni Jesus ang mga makasalanang katulad niya ay tumatak sa kanyang isipan. Nang araw na iyon ay nagdesisyon siyang lumapit at makinig kay Jesus. Nagsimula siyang magbasa ng Biblia at hindi nagtagal ay inilagak niya ang pagtitiwala niya at pagsunod kay Jesus.
Noong panahon ni Jesus, nagulat ang mga pinuno ng relihiyon dahil nakikisama Siya sa mga taong makasalanan. Hindi kasi nila ito pinapayagan. Pero hindi pinansin ni Jesus ang mga utos na ito na ginawa lamang nila. Tinanggap at pinakisamahan Niya ang mga makasalanan. Ganito pa rin hanggang ngayon. Tinatanggap ni Jesus tayong mga makasalanan.