Noong bata pa kami, masaya kaming naglalaro ng mga kapatid ko sa labas ng aming bahay kapag bumabagyo. Masaya kaming naglalaro at nagpapadulas sa putikan. Kaya naman, natutuwa ako kapag malakas ang ulan.
Masaya pero nakakatakot maligo sa malakas na buhos ng ulan kapag bumabagyo. Mababasa naman sa Salmo 107 na kailangan ng napakalakas na buhos ng ulan upang maging tubigan ang disyerto at magkaroon ng mga bukal sa tuyong lupain (TAL . 35). Sa ganito ikinumpara ang ginagawang pagbabago ng Dios sa mga tao.
Hindi ba ito ang inaasam nating pagbabago? Nais nating magkaroon ng pagbabago, pero parang hindi ito posible dahil tila nakabilanggo tayo sa kadiliman (TAL . 10-11). Para din tayong mga naglalakbay sa liblib na lugar na hindi makita ang tamang daan at dahil doo’y nagutom at nauhaw tayo (TAL . 4-5). Higit pa sa pag-asa ang kailangan natin. Ang kailangan natin ay lubos na pagbabago sa ating puso.
Ito mismo ang gagawing pagbabago sa atin ng Dios (TAL . 20). Hindi kailanman magiging huli ang lahat para ilapit sa Dios ang ating mga kinakatakutan at kahihiyan. Ang makapangyarihang Dios ang higit na may kakayahang tulungan tayo sa ating pinagdaraanang mga matitinding pagsubok sa buhay (TAL . 13-14).