Ano ang ginawa ni Apostol Juan noon para sa kanyang kaibigang si Gaius na unti-unti nang nakakalimutan ngayon? Ito ay ang pagsulat ni Juan ng isang liham.
May sinabi naman ang isang manunulat sa New York Times na si Catherine Field tungkol sa pagsusulat ng liham. Sabi niya, “Ang pagsusulat ng liham ay isa sa sinaunang sining natin. At kung titingnan natin ang mga liham sa Biblia, maiisip natin si Apostol Pablo.”
Sa liham naman ni Apostol Juan kay Gaius, inaasahan ni Juan na nasa maayos na kalagayan ang kanyang kaibigan. Kasama rin doon ang tungkol sa pananampalataya ni Gaius na nakapagbibigay ng lakas ng loob. Sinabi rin ni Juan ang tungkol sa mga problema sa kalipunan ng mga mananampalataya at ang kahalagahan ng paggawa ng mabuti para sa kaluwalhatian ng Dios. Sa kabuuan, ang liham ni Juan ay nagbibigay ng lakas ng loob at hamon para sa kanyang kaibigan.
Maaaring makalimutan na ang pagsusulat ng liham sa papel dahil sa makabagong teknolohiya sa komunikasyon. Pero hindi nawa ito maging dahilan para huminto tayo na palakasin ang loob ng iba. Kaya, ayos lang kahit anumang paraan ang gamitin natin, ang mahalaga ay maiparating natin sa iba na nagmamalasakit tayo tulad ng pagmamahal ni Jesus.
Isipin natin ang nadamang lakas ng loob at pag-asa ni Gaius mula sa liham ni Juan. Magagawa rin ba nating maiparating ngayon sa ating mga kaibigan ang pagmamahal ng Dios nang sa gayo'y lumakas ang loob nila?