Isang linggo na lang ay ikakasal na si Sarah. Pero hindi ito natuloy. Gayon pa man, ipinasya niyang ituloy ang okasyon kahit nalulungkot siya. Kaya naman, inimbitahan niya ang mga palaboy sa kanilang lugar para pakainin. Ipinadama ni Sarah ang kanyang pagmamahal sa mga taong iyon.
Sumasang-ayon din naman si Jesus sa ganitong pagpapakita ng pagmamahal. Sinabi ni Jesus noon sa mga Pariseo, “Kung maghahanda ka, imbitahin mo rin ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay at mga bulag. Sa ganoon ay pagpapalain ka” (LUCAS 14:13-14). Binibigyan-diin ni Jesus sa Kanyang sinabi na ang Dios ang magpapala, dahil walang kakayahan ang mga ito na maibalik ang kagandahang-loob na ipinakita sa kanila. Nais ni Jesus na tulungan natin ang mga taong walang kakayahan na maibalik ang anumang naibigay natin sa kanila.
Kung pag-iisipan natin ang mga sinabi ni Jesus noon sa mga Pariseo, parang labis ang hinihiling ni Jesus na mangyari. Pero ang tunay na pagmamahal ay talagang labis sa ating kayang ibigay o ipadama. Pagbibigay rin ito na walang anumang inaasahang kapalit. Ganito tayo mismo minamahal ni Jesus. Nakikita Niya ang ating mga kahinaan at pangangailangan. Kaya naman, inialay ni Jesus ang Kanyang buhay para sa ating lahat.
Ang pagtitiwala kay Jesus ay parang isang biyaheng patungo sa walang hanggang pagmamahal ng Dios. Lahat tayo ay iniimbitahan ni Jesus na maranasan, “kung gaano kalawak, at kahaba, at kataas, at kalalim ang pag-ibig [Niya] sa atin” (EFESO 3:1 .8).