Habang naglalakad kami ng kaibigan ko, pinag-uusapan namin ang tungkol sa Biblia. Nagulat ako nang sabihin niya na hindi niya masyadong gusto ang Lumang Tipan. Ang gusto lang daw niya ay ang tungkol sa Panginoong Jesus. Halos daw kasi puro mga matitinding pagsubok at mga paghihiganti ang binabanggit sa Lumang Tipan.
Kung babasahin nga naman natin ang Aklat ni Nahum sa Lumang Tipan, mauunawaan natin ang nararamdaman ng kaibigan ko. Sinabi sa Aklat ng Nahum, “Ang Panginoon ay naghihiganti at punô ng poot” (1:2 ABAB). Pero nakapagbibigay ng pag-asa ang susunod na talata, “Ang Panginoon ay hindi madaling magalit, ngunit dakila ang kanyang kapangyarihan” (TAL . 3).
Kung pag-aaralan natin kung bakit nagagalit ang Dios, mapapansin natin na ipinagtatanggol Niya ang mga sumasampalataya sa Kanya at ang Kanyang pangalan. Kaya naman, parurusahan Niya ang mga gumagawa ng kasalanan at ililigtas naman niya sa kaparusahan sa kasalanan ang lahat ng nagtitiwala sa Kanya. Nangyari ito nang isugo ng Dios ang Kanyang Anak na si Jesus upang ialay ang Kanyang buhay para sa ating mga kasalanan.
Maaaring mahirap na maunawaan ang mga katangian ng Dios. Pero mapagkakatiwalaan natin ang Dios na hindi lang katarungan ang Kanyang ipapakita kundi pati ang lubos Niyang pagmamahal. Kaya naman, hindi tayo dapat matakot na lumapit sa ating Dios dahil Siya ay “mabuti; matibay Siyang kanlungan sa oras ng kagipitan, at inaalagaan ang nananalig sa Kanya” (TAL . 7).