Minsan, isang linggo akong matamlay at tinatamad. Hindi ko naman maipaliwanag kung bakit ganoon ang nararamdaman ko.

Pero bago matapos ang linggong iyon, nabalitaan kong nagkasakit sa bato ang tiyahin ko at kailangan ko siyang dalawin. Gusto ko naman siyang dalawin, pero naisip ko na sa ibang araw na lang. Gayon pa man, tumuloy pa rin ako. Nagkuwentuhan kami at sinamahan ko siyang kumain at manalangin. Nakaramdam ako ng kakaibang sigla matapos ko siyang dalawin. Nakakagaan ng pakiramdam ang makatulong sa pangangailangan ng iba.

Ayon sa mga dalubhasa, dinisenyo ang tao na maging mapagbigay dahil nakakaramdam tayo ng kakaibang kasiyahan kapag ginagawa natin ito.

Ito rin siguro ang nasa isip ni Pablo nang hikayatin niya ang mga taga Tesalonica na “palakasin ang mga mahihina” (1 TESALONICA 5:14). Inulit din niya ang sinabi ni Jesus na “mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatangggap” (GAWA 20:35). Bagama’t pinansiyal na pagbibigay ang tinutukoy dito, puwede rin itong gamitin sa pagbibigay ng oras at paglilingkod.

Kapag ginagawa natin ito, parang nararamdaman natin ang kasiyahan ng Panginoon sa pagbibigay. Mas lalo nating maiintindihan kung bakit nalulugod ang Dios na ibigay at iparamdam ang Kanyang pag-ibig sa atin. Iniisip kong muling dalawin ang aking tiyahin sa mga susunod na araw.