Ang Cliffton Heritage National Park sa Nassau, Bahamas ay nagpapaalala ng malungkot na pangyayari sa kasaysayan. Marami ang pinahirapan at minaltrato noon sa lugar na iyon bilang mga alipin. May hagdan doon na dinaanan ng mga aliping iyon. Makikita naman sa tuktok ng park ang mga inukit na imahe o estatwa ng mga babaeng nakaharap sa dagat na may marka ng latigo.
Ang mga estatwa ng mga naghihinagpis na babae ay nagpapaalala sa akin na dapat kilalanin at ipaghinagpis ang kawalan ng katarungan sa ating paligid. Ang paghihinagpis ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng pag-asa kundi paraan ito ng pagpapakita ng pagiging totoo sa Dios. Hindi na dapat dito naninibago ang mga tagasunod ni Jesus dahil malaking bahagi ng aklat ng Salmo ay tungkol sa paghihinagpis. Sa aklat naman ng Panaghoy, maging ang mga Israelita ay umiyak sa matinding kalungkutan nang sirain ng mga mananakop ang kanilang bayan (3:55).
Dahil sa mga hindi magagandang nangyayari, tama lang na maghinagpis tayo. Sa ganito ring pagkakataon ay nakikita natin na may Dios sa gitna ng paghihirap at kaguluhan. Higit sa lahat, ang paghihinagpis ay pagpapakita ng pag-asa dahil dito nagsisimula na mithiin natin ang pagbabago.
Ito ang dahilan kung bakit ang mga estatwa sa parke ay tinawag na ‘Genesis’ dahil ang lugar ng paghihinagpis ay naging lugar ng bagong simula.