Nilikha noong 1905 ang SOS bilang isang hudyat na may nangangailangan ng saklolo. Noong 1910 naging malaking tulong ang SOS para mailigtas ang lahat ng sakay sa lumubog na barkong Kentucky.
Maituturing na bagong imbento ang SOS bilang hudyat ng paghingi ng saklolo. Pero noon pa man, ang paghingi ng saklolo ay maririnig mo sa sangkatauhan. Madalas din itong mabasa sa Aklat ni Josue sa Biblia. Humingi noon sa Dios ng saklolo si Josue sa pagharap niya sa mga kababayan niyang tumutuligsa sa kanya (9:18), ang pagdaan niya sa lugar na mahirap daanan (3:15-17), at maging sa 14 taon na pagsakop nila sa lupang ipinangako ng Dios. Sa mga pangyayaring iyon, “Kasama ni Josue ang Panginoon” (6:27).
Tinulungan din noon nina Josue at ng mga Israelita ang kaibigan nilang mga taga Gibeon na nilusob ng limang hari at ng buong hukbo nito. Kaya naman, humingi ng saklolo si Josue sa Dios (JOSUE 10:12). Tumugon naman ang Dios at pinaulanan Niya ng malalaking yelo ang mga kaaway nina Josue. Hindi rin lumubog ang araw upang malipol nina Josue ang kanilang kaaway. Sinabi ni Josue, “Tunay na nakikipaglaban ang Panginoon para sa Israel” (TAL .14).
Kung humaharap ka ngayon sa matinding pagsubok, humingi ka ng saklolo sa Dios. Kahit na ang tulong na darating ay hindi tulad sa kuwento ni Josue, makakaasa ka naman na tutulungan ka ng Dios. Makapagbibigay ng lakas ng loob ang pagkilos ng Dios sa iyong buhay at ang pakikipaglaban Niya para sa iyo.