Bilang isang baguhang photographer, masaya akong kinukuhanan ng larawan ang mga nilikha ng Dios gamit ang aking kamera. Nakikita ko ang pagiging malikhain ng Dios sa magagandang bagay na Kanyang nilikha gaya ng mga bulaklak, ang pagsikat at paglubog ng araw at ang langit na may mga ulap at mga bituin.
Gamit ang zoom ng aking kamera, nakukuhanan ko ng malapitang larawan ang iba pang nilikha ng Dios. Nakuhanan ko na ng larawan ang isang squirrel, ang makulay na paru-paro at mga pagong na lumalangoy sa dagat. Bawat larawan na aking nakukuhanan ay nagiging dahilan para purihin ang ating dakilang Manlilikha.
Hindi ako ang kauna-unahang nagtitiwala sa Dios na humanga sa Kanyang mga magagandang nilikha. Ang sumulat ng Salmo 104 ay nagpuri sa magagandang likha ng Dios sa ating kapaligiran (T . 24). Sinabi ng manunulat na “Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan, malalaki't maliliit na isda ay di mabilang (T . 25 MBB). Humanga din siya sa pag-aalaga ng Dios sa lahat ng Kanyang mga nilikha (T . 27-31). Dahil nakita niya ang kadakilaan ng mga ginawa ng Dios, buong pagpapasalamat siyang nagpuri sa Dios: “Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan, Siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay” (T . 33 MBB).
Makikita natin ang pagiging malikhain ng Dios sa Kanyang mga kahanga-hangang ginawa. At gaya ng sumulat ng awit, purihin natin ang ating Manlilikha at magpasalamat sa Kanya dahil Siya ay makapangyarihan, dakila at mapagmahal kailanman. Purihin natin ang Dios.