Noong bata pa ako, may itinuro sa aking panalangin ang aking mga magulang bago ako matulog sa gabi. Ganito ang panalanging itinuro nila: “Sa aking pagtulog nang mahimbing, ang Panginoon nawa ang mag-ingat sa akin.” Itinuro ko rin ito sa aking mga anak noong maliliit pa sila. Nagiging panatag ang loob ko bago matulog kapag idinadalangin ko iyon.
May ganitong panalangin din tayong mababasa sa aklat ng Salmo sa Biblia. Ayon sa mga mag-aaral ng Biblia, ang nakasulat sa Salmo 31:5 na “Ipinauubaya ko sa Inyo ang aking sarili,” ay isang panalanging itinuturo sa mga bata noong panahon ni Jesus.
Mapapansin natin na idinalangin din iyon ni Jesus nang Siya ay nasa krus. Pero idinagdag Niya dito ang salitang “Ama” (LUCAS 23:46). Nang tinawag ni Jesus na Ama ang Panginoong Dios, ipinakita Niya ang malapit Niyang relasyon sa Ama. Itinuro din Niya sa mga nagtitiwala sa Kanya na sila ay makakasama Niya sa langit (JUAN 14:3).
Namatay si Jesus sa krus upang magkaroon tayo ng magandang relasyon sa Dios Ama. Dahil sa pag-ibig sa atin ni Jesus, makakaasa tayo na hindi Niya tayo pababayaan bilang mga anak ng Dios. Mapapawi ang ating takot dahil palagi tayong sinusubaybayan ng ating Dios Ama at nangako Siyang makakasama natin Siya sa langit (1 TESALONICA 4:14).