Habang nagsasalita ako sa burol ng aking kaibigang pumanaw, may nabasa akong isang talata mula sa Biblia na nagsasabing, “Gusto po sana naming makita si Jesus” (JUAN 12:21). Naisip ko na nakita ko si Jesus sa buhay ng aking kaibigang pumanaw. Kahit na marami siyang hinarap na pagsubok sa kanyang buhay, hindi siya nawalan ng pagtitiwala kay Cristo. At dahil nasa kanya ang Banal na Espiritu, nakikita namin si Jesus sa kanyang buhay.
Mababasa natin sa Juan 12:12-16 ng Biblia na may mga Griegong lumapit sa alagad na si Felipe dahil gusto nilang makita si Jesus (T .21). Maaaring gusto nilang malaman ang tungkol sa mga himala at pagpapagaling ni Jesus. Pero dahil hindi sila mga Judio, hindi sila makapasok sa templo. Nang malaman ni Jesus ang kahilingan nila, sinabi Niya na dumating na ang oras na luluwalhatiin Siya (T . 23). Ang ibig Niyang sabihin ay dumating na ang oras na mamamatay Siya para sa kasalanan ng lahat ng tao. Hindi lamang para sa mga Judio ang misyon Niya kundi pati na rin sa mga hindi Judio. Makikita rin nila si Jesus.
Pagkatapos mamatay ni Jesus, isinugo Niya ang Banal na Espiritu upang manahan sa Kanyang mga alagad (14:16-17). Nakikita natin ang buhay ni Jesus sa ating mga buhay sa tuwing nagpapakita tayo ng pagmamahal at paglilingkod sa Kanya. Sa ganitong paraan, makikita rin naman ng ibang tao si Jesus sa ating mga buhay.