Nagplano ang mga namumuno sa aming simbahan na magpatayo ng isang gym para magamit sa aming komunidad. Nangako ang mga pinuno ng aming simbahan na sila ang mangunguna sa pagpopondo sa ipapagawang gym. Noong una ay ayaw kong magbigay ng mas malaking halaga sa perang napagdesisyunan na naming magasawa. Pero nanalangin pa rin kami na makapagbigay kami ng pera para sa proyektong ito at napagdesisyunan namin na magbibigay kami buwan-buwan. Ang pinagsamasamang perang kaloob ng mga miyembro ng aming simbahan ang ginamit para maipatayo ang gym.
Nagamit ang gym sa mga gawain ng aming simbahan at nagpapasalamat kami sa Dios dahil dito. Naalala ko rin naman ang isa pang mapagbigay na tao at iyon ay si Haring David. Kahit na hindi siya ang pinili ng Dios upang magtayo ng templo, ibinigay niya ang lahat ng kanyang kayamanan para sa proyektong ito (1 CRONICA 29:1-5). Kusang-loob na nagbigay din ang iba pang mga pinuno at ang mga tao (T . 6-9). Sinabi ni Haring David na ang lahat ng kanilang ibinigay ay nagmula sa Dios − ang Manlilikha, Tagapagbigay at May-ari ng lahat ng bagay (T . 10-16).
Kung kikilalanin natin na nagmula sa Dios ang lahat ng bagay, matututo tayong maging mapagpasalamat at maging mapagbigay sa iba. Maaasahan natin na ipagkakaloob ng Dios ang lahat ng bagay. At maaari ding gamitin ng Dios ang ibang tao upang tulungan tayo kapag tayo naman ang nangangailangan.