Noong binata pa ako, sinasagot ko ang aking nanay kapag pinagsasabihan niya ako na magtiwala sa Dios. Sinasabi niya sa akin, “Magtiwala ka sa Dios. Hindi ka Niya papabayaan.” Ganito naman ang sagot ko sa kanya, “Hindi iyon ganoon kadali. Tinutulungan ng Dios ang mga taong marunong tulungan ang kanilang sarili.”
Pero ang sagot kong iyon sa aking nanay ay hindi mababasa sa Biblia. Sa halip, itinuturo sa atin ng Salita ng Dios na magtiwala tayo na ibibigay ng Dios ang lahat ng ating pangangailangan. Sinabi ni Jesus, “Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iipon ng pagkain sa bodega, ngunit pinapakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi baʼt mas mahalaga kayo kaysa sa mga ibon? Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang saglit sa pamamagitan ng pag-aalala?” (MATEO 6:26-27).
Lahat ng tinatamasa natin sa buhay maging ang ating kalakasan ay mula sa ating Dios Ama sa langit na lubos na nagmamahal sa atin.
Noong malapit nang mamatay ang aking nanay, nagkaroon ng malaking epekto sa kanya ang sakit niyang Alzheimer’s disease dahil naging ulyanin na siya. Pero patuloy pa rin siyang nagtiwala sa Dios. Nang inalagaan ko siya, nakita ko kung paano siya iningatan ng Dios. Naisip ko na tama ang aking nanay na dapat talagang magtiwala sa Dios. Sa halip na mag-alala, ipinagkatiwala niya ang kanyang buhay sa Dios na nangakong hindi siya papabayaan. At pinatunayan naman ng Dios na tunay Siyang maaasahan.