Noong dalaga pa ako, naging rebeldeng anak ako sa aking nanay. Maagang namatay ang aking tatay kaya ang nanay ko na ang mag-isang nagpalaki sa akin.
Naisip ko dati na baka hindi ako mahal ng aking nanay dahil hindi niya ako pinapayagang gawin ang maraming bagay. Pero ngayon, naunawaan ko na na hindi niya ako pinapayagang gawin ang mga bagay na makakasama sa akin dahil mahal niya ako.
Pinagdudahan din ng mga Israelita ang pagmamahal sa kanila ng Dios nang sila ay maging alipin ng mga tagaBabilonia. Pero pinahintulutan iyong mangyari sa kanila ng Dios upang ituwid sila dahil palagi silang sumusuway sa Kanya. Kaya naman ipinadala sa kanila ng Dios si propeta Malakias upang sabihin sa kanila na mahal sila ng Dios (MALAKIAS 1:2). Nagtanong ang mga Israelita kung paano sila minahal ng Dios. Pinaalalahanan sila ng Dios sa pamamagitan ni Malakias na minahal sila ng Dios dahil mas pinili sila kaysa sa mga Edomita o sa lahi ni Esau.
Lahat tayo ay may pinagdadaanang mga pagsubok sa buhay. May mga pagkakataong pinagdududahan natin ang pagmamahal sa atin ng Dios sa mga panahong iyon. Pero palagi nating alalahanin ang napakaraming pagkakataon na ipinakita sa atin ng Dios ang Kanyang pagmamahal. Kapag ginawa natin ito, malalaman natin na tunay Siyang mapagmahal na Ama.