Matagal nang nakatira sa kanilang bahay ang aking kaibigan at nalaman nila na maaaring gumuho ang sala ng kanilang bahay. May mga nakita kasi silang bitak sa pader at hindi na mabuksan ang isang bintana. Wala palang pundasyon ang bahaging ito ng kanilang bahay. Ipinaayos nila ito sa loob ng ilang buwan at natapos na ito nang bumisita ako sa kanila. Nalaman ko na mahalaga talaga ang isang pundasyon sa bahay.
Ganito rin naman sa ating buhay. Mababasa natin sa Biblia ang isang kuwento ni Jesus tungkol sa dalawang taong nagtayo ng kanilang bahay para ilarawan ang mangyayari kung hindi makikinig ang isang tao sa Kanya (LUCAS 6:46-49). Ang mga nakikinig at sumusunod sa mga sinasabi ni Jesus ay katulad ng taong nagtayo ng bahay sa pundasyong bato. Kapag bumagyo at bumaha, hindi mayayanig ang kanyang bahay dahil matibay ang pagkakatayo nito. Matibay ang kanilang pananampalataya. Hindi sila katulad ng taong hindi nakikinig sa mga sinabi ni Jesus o nagtayo ng bahay na walang matibay na pundasyon.
Magkakaroon tayo ng matibay na pundasyon sa ating buhay kung makikinig at susunod tayo kay Jesus. Mapapagtibay natin ang pagmamahal natin sa Kanya sa pamamagitan ng pagbabasa ng Biblia, pananalangin at pakikisama sa ibang nagtitiwala kay Jesus. Kaya kapag may mga dumaan na mabibigat na pagsubok sa ating buhay, malalagpasan natin ito dahil matatag ang ating pundasyon. Laging handang tumulong sa atin ang Dios.