Noong 2016, isang aksidente sa elevator ang nangyari sa New York City. Limang tao ang namatay at limampu’t isang tao ang sugatan dahil sa aksidenteng ito. Dahil dito, naglunsad ang pamunuan ng siyudad na magsagawa ng kampanya upang turuan ang mga tao kung ano ang dapat gawin kapag may mga trahedyang tulad nito. Ang unang ginagawa ng mga tao kapag may mga ganitong pangyayari ay ang iligtas ang kanilang mga sarili. Pero ayon sa mga awtoridad, ang pinakamabisang gawin ay ang humingi ng tulong, kumalma at maghintay. Nangako rin naman ang mga awtoridad sa New York na agad silang magbibigay ng saklolo kapag may mga ganitong aksidente upang maging ligtas ang mga tao.
Mababasa naman natin sa Aklat ng mga Gawa ang pangaral ni Pedro tungkol sa kawalan natin ng kakayahan na iligtas ang ating mga sarili. Si Lucas ang nagsulat ng aklat na ito at ikinuwento niya ang pangyayari nang magsalita ang mga tao ng iba’t ibang wika na hindi naman nila sariling wika (MGA GAWA 2:1-12). Tumayo si Pedro at sinabi na ang nangyayari ay katuparan ng ipinahayag ni propeta Joel noon (JOEL 2:28-32). Ito ay ang pagdating ng Banal na Espiritu.
Makikita na ngayon ang biyaya ng Banal na Espiritu sa mga taong nagtiwala na si Jesus ang nagligtas sa kanilang mga kasalanan. Sinabi rin ni Pedro kung paano matatanggap ng isang tao ang kaligtasang ito. Makakalapit tayo sa Dios sa pamamagitan ng pagtitiwala natin kay Jesus bilang ating Panginoon at Tagapagligtas.
Hindi natin kayang iligtas ang ating mga sarili. Maliligtas lamang tayo kung ilalagak natin kay Jesus ang ating pagtitiwala bilang ating Tagapagligtas.