Minsan, napakahirap ng mga nararanasan natin sa buhay na parang nasa kadiliman tayo. Akala natin, wala na itong katapusan. Nasabi sa akin ng asawa ko noong dumaranas kami ng pagsubok, “Sa tingin ko, nais ng Dios na huwag nating kalimutan ang natutunan natin sa panahon ng kadiliman.”
Ang ganitong kaisipan ay may pagkakatulad sa sulat ni Pablo sa mga taga-Corinto (2 CORINTO 1) pagkatapos niyang isalarawan ang paghihirap na dinanas nila sa Asya. Nais ni Pablo na maunawaan ng mga taga-Corinto na kaya tayong iligtas ng Dios kahit sa pinakamadilim na bahagi ng ating buhay. Pinapalakas ng Dios ang ating loob sa lahat ng ating paghihirap para palakasin din natin ang loob ng iba (T. 4).
Mula sa mga pagsubok na naranasan ni Pablo at ng kanyang mga kasamahan, tinuruan sila ng Dios kung paano naman makakatulong sa ibang tao na may pareho ring pinagdaraanan sa buhay. Ganito rin ang ginagawa ng Dios sa atin. Kung makikinig tayo sa Kanya, tutulungan Niya tayo sa ating mga paghihirap at ang anumang matutunan natin ay magamit natin sa pagtulong sa iba.
Ikaw ba ay nasa kadiliman ngayon? Nawa ay mabigyang lakas ka ng mga salita at karanasan ni Pablo. Magtiwala kang gumagawa ng paraan ang Dios para maayos ang lahat sa iyong buhay kasabay ng pag-iiwan Niya ng marka sa iyong puso upang ikaw man ay magsilbing liwanag sa ibang nasa kadiliman.