Ang mga bodybuilder na sumasali sa paligsahan ay sumasailalim sa mahigpit na pagsasanay. Sa mga unang buwan, ang pagpapalaki at pagpapalakas ng kanilang katawan ang pinagtutuunan nila ng pansin. Kapag malapit na ang laban, binabawasan naman nila ang iniinom na tubig para matanggal ang mga taba sa katawan. Mukha man silang malakas, iyon ang panahon na pinakamahina sila dahil kulang sila sa nutrisyon.
Mababasa naman sa 2 Cronica 20 ang tungkol kay Haring Jehoshafat na kinilala ang kanyang kahinaan para maranasan ang lakas ng Dios. Nang lulusubin sila ng kanilang kaaway, inutusan niya ang lahat ng taga Juda na mag-ayuno o huwag munang kumain (TAL. 3). Pagkatapos, humingi sila ng tulong sa Dios. Nang tinipon na ng hari ang kanyang hukbo, pumili siya ng mga mang-aawit para umawit ng papuri sa Dios (TAL. 21). Sa pagsisimula ng kanilang awit, pinaglaban-laban ng Dios ang mga kaaway ng Juda. Dahil doon, nalipol ang lahat ng kanilang mga kaaway (TAL. 22).
Ipinakita ni Jehoshafat ang matibay niyang pananampalataya sa Dios sa kanyang ginawang desisyon. Kahit alam niyang manghihina sila dahil sa utos niyang huwag silang kumain, pinili niyang umasa sa Dios at hindi sa kanilang hukbo. Ganoon din naman ang dapat nating gawin kapag humaharap tayo sa mga pagsubok sa buhay. Sa Dios lamang tayo dapat umasa. Siya ang ating kalakasan.