Dati akong manlalaro ng tennis noong nasa high school pa ako. Nagsasanay ako noon sa isang tennis court na malapit sa aming bahay. Ilang oras akong nagsasanay doon para mas maging mahusay sa paglalaro.
Nang huli akong bumisita sa lugar kung saan ako tumira noon, ang una kong ginawa ay puntahan ang tennis court na pinagsasanayan ko. Gusto ko sanang panoorin ang ibang naglalaro at alalahanin ang mga panahong naglalaro pa ako. Pero nakakalungkot dahil wala na pala ang tennis court na hanggang ngayon ay malinaw pa sa alaala ko. Bakanteng lupa na lamang ito na tinubuan na ng mga damo.
Wala na nga ang tennis court kung saan masaya kong ginugol ang mga oras ko noong kabataan ko. Ang pangyayaring iyon ay nagsilbing paalala sa akin ng katotohanan na nagbabago ang lahat at napakaikli lang talaga ng buhay. Naisip ko rin ang sinabi ni Haring David noong matanda na siya, “Ang buhay ng tao ay tulad ng damo. Tulad ng bulaklak sa parang, ito’y lumalago. At kapag umiihip ang hangin, ito’y nawawala at hindi na nakikita. Ngunit ang pag-ibig ng Panginoon ay walang hanggan sa mga may takot sa Kanya” (SALMO 103:15-17).
Tumatanda tayo at nagbabago ang mga bagay dito sa mundo. Gayon pa man, hindi nagbabago ang pag-ibig sa atin ng Dios. Lagi nating mapagkakatiwalaan na tapat Niyang mamahalin at pangangalagaan ang lahat ng nananalig sa Kanya.