Yumuko ako, pumikit at nagsimulang manalangin, “Panginoon, lumalapit po ako sa Inyo ngayon bilang Inyong anak. Kinikilala ko po ang Inyong kapangyarihan at kabutihan…”
Napahinto ako sa pananalangin nang bigla kong maalala na hindi pa natapos ng anak ko ang kanyang takdang aralin. Pero dahil naglaro pa siya ng basketball pagkatapos ng klase nila, baka masyado siyang mapuyat sa pagtapos ng kanyang proyekto. Nagalala ako dahil baka magkasakit siya.
May isinulat si C.S. Lewis sa kanyang librong The Screwtape Letters tungkol sa mga nagiging hadlang kapag nananalangin tayo. Sinabi ni Lewis na kapag may bigla tayong naisip habang nananalangin, pinipilit natin na bumalik ang atensyon sa pananalangin. Pero sinabi rin niya na mas mabuting tanggapin natin na isa itong problema na maaari nating idulog sa Panginoon at iyon na mismo ang magiging pinaka tema ng panalangin natin.
Nais ng Dios na maging totoo tayo sa Kanya kaya maaari nating sabihin sa Kanya kapag nahihirapan tayo sa pananalangin dulot ng mga alalahanin at mga bagay na naiisip natin. Maaari din nating sabihin sa Dios ang mga kinatatakutan at anumang nararamdaman natin. Hindi Niya ikakagulat ang mga sasabihin natin sa Kanya. Mahalaga tayo sa Dios kaya hinihikayat tayo na ipagkatiwala sa Kanya ang lahat ng ating mga alalahanin o kabalisahan (1 PEDRO 5:7).