Napakalamig ng panahon noon. Gusto ko nang makasakay agad sa aking kotse at makapasok sa isang gusali para mapawi ang ginaw na nararamdaman ko. Nagulat na lang ako sa sumunod na nangyari. Bumagsak ako. Hindi naman ako nabalian pero nakaramdam ako ng sobrang sakit. Ilang linggo pa bago tuluyang bumuti ang kalagayan ko.
Naranasan n’yo rin ba ang ganoong sitwasyon? Hindi ba’t mas mabuti sana kung mayroong aalalay sa atin sa lahat ng pagkakataon? Wala sigurong tao na makakagawa ng ganoon para sa atin. Pero makakatiyak tayo na mayroong Dios na laging aalalay sa atin habang nandito pa tayo sa mundo at naglilingkod sa Kanya. Siya rin ang maghahanda sa atin sa ating pagharap sa Kanya sa langit.
Maaaring humarap tayo sa iba’t ibang tukso sa bawat araw. Maaaring makarinig din tayo ng mga maling katuruan na magpapalito lang sa isip natin o di kaya nama’y makapagpapabago sa mga pinaniniwalaan natin. Hindi natin mapaglalabanan ang mga ito sa sarili nating lakas.
Magagawa lamang nating manatiling matatag sa pamamagitan ng tulong ng Dios. Mararanasan natin ang Kanyang kapangyarihan kung pipiliin nating gawin kung ano ang tama kahit na natutukso tayo na gawin ang mali (JUDAS 1:24). At ang kapurihan na ating ibinibigay sa Dios ngayon dahil sa Kanyang kagandahang loob ay mananatili magpakailanman (TAL. 25).