Nang minsang bumisita ako sa National September 11 Memorial sa New York City, kinuhanan ko ng litrato ang isa sa dalawang pool na nandoon. Nakaukit sa paligid ng mga pool na ito ang mga pangalan ng namatay noong salakayin ang World Trade Center. Nang tingnan ko ng maigi ang litrato, napansin ko ang kamay ng isang babae na nakahawak sa pangalan ng namatay. Marami din ang pumupunta roon para mahawakan ang pangalan ng namatay nilang mahal sa buhay at alalahanin sila.
Alam naman ng Panginoon ang ating mga pangalan. May isinulat si propeta Isaias na may kaugnayan dito. Sa Isaias 43, sinabi ng Dios, “Huwag kang matakot dahil ililigtas kita. Tinawag kita sa pangalan mo, at ikaw ay Akin” (TAL. 1). Ipinaalala rito ni propeta Isaias sa mga Israelita ang tungkol sa hindi nagmamaliw na pag-ibig at pagmamalasakit ng Dios sa kanila kahit na lagi silang tumatalikod sa Kanya.
Mababasa naman natin sa Salmo 23 ang isinulat ni David, “Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot dahil Kayo ay aking kasama. Tiyak na ang pagibig at kabutihan Nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay” (TAL. 4,6).
Hindi tayo kailanman kakalimutan ng Dios. Saan man tayo o anuman ang ating sitwasyon, alam Niya ang ating mga pangalan at hindi nagmamaliw ang pagmamahal Niya para sa atin.