“May Wi-Fi ba?” Iyan ang madalas itanong sa akin ng mga kasama kong kabataan habang naghahanda kami sa pagpunta sa isang lugar para magmisyon. Tiniyak ko sa kanila na mayroon pero noong nandoon na kami, naaligaga ang lahat nang minsang mawalan ng Wi-Fi.
Marami sa atin ang hindi na sanay na mawalay sa mga cellphone natin. Kapag naman hawak-hawak natin ang mga iyon, masyado tayong nakatutok na halos hindi na natin napapansin ang nasa paligid natin.
Maaaring makabuti o makasama sa atin ang internet. Depende ito sa paggamit natin kaya dapat ay maging maingat tayo. Sinasabi sa Kawikaan, ang taong may pang-unawa ay naghahangad pa ng karunungan, ngunit ang taong hangal ay naghahangad pa ng kahangalan (15:14).
Kung hinahangad nating isapamuhay ang Salita ng Dios, itanong natin ito sa ating mga sarili: Ilang beses ba sa isang araw natin tinitingnan ang ating mga social media account? Tungkol saan ang mga pinopost natin at ano ang ipinapahiwatig nito tungkol sa atin? Makabuluhan ba ang mga binabasa at tinitingnan natin sa internet (TAL. 16-21) o tila basura ang mga ito tulad ng tsismis, paninirang puri, materyalismo o malalaswang bagay?
Sa tulong ng Banal na Espiritu, mapupuno ang ating isip ng mga bagay na mabuti, kapuri-puri, totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais (FILIPOS 4:8). At dahil sa karunungang mula sa Dios, magagawa nating piliin ang nakapagbibigay ng parangal sa Kanya.