Si Gip Hardin ay isang mangangaral ng Salita ng Dios. Sa kagustuhan niyang maging lingkod din ng Dios ang kanyang anak, pinangalanan niya itong John Wesley na pangalan ng isang sikat na mangangaral. Ngunit iba ang tinahak na daan ni John Wesley Hardin. Naging isa itong kriminal noong 1800’s na nakapatay ng 42 lalaki.
May ibig sabihin ang mga pangalan sa Biblia at sa iba’t ibang kultura. Nang ibalita ng anghel ang pagsilang ng Anak ng Dios, sinabi ng anghel kay Jose na ‘Jesus’ ang ipangalan nila sa sanggol dahil ililigtas Niya ang mga tao sa kanilang mga kasalanan (MATEO 1:21). Ang kahulugan ng pangalang Jesus na “si Jehovah ay nagliligtas” ay nagpapatunay sa Kanyang misyon.
Hindi napangatawanan ni John ang ipinangalan sa kanya. Pero iba si Jesus. Natupad Niya ang Kanyang misyon na iligtas ang mga tao mula sa kaparusahan sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Pinatotohanan naman ni apostol Juan ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus. Sinabi niya na kung sasampalataya tayo kay Jesus, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan (JUAN 20:31). Hinihikayat din tayo na magtiwala sa Kanya dahil walang sinuman ang makapagliligtas sa atin kundi si Jesus lang (GAWA 4:12).
Ang lahat ng sasampalataya sa pangalan ni Jesus ay makakaranas ng kapatawaran at pag-asa. Tumawag ka na ba sa Kanyang pangalan?